Wednesday, August 5, 2009

Paalam tita Cory Aquino

Paalam tita Cory Aquino. Kalilibing lang niya kanina (August 5, 2009) kung saan pumunta ako mismo at sumalubong sa kaniyang parada.
Lilinawin ko lang muna ang lahat bago ko magsimula. Sa tutoo lang hindi ako maka Cory talaga, lumaki ako sa pamilya na malalapit ang puso sa mga Marcos. Wala ring direktang naitulong sa akin ang dating Pangulong Aquino, ni hindi ko siya nakita sa personal, at madami ding mga desisyon ang kaniyang administrasyon na hindi ko ganap na sinasang ayunan.
Pero sa hindi inaasahang pagkakataon. Simula ng nalugmok sa karamdaman ang Dating Pangulo sinama ko na siya sa panalangin ko at sa tutoo lang nailalagay ko na rin siya sa pang araw araw kong post sa Twitter, hanggang sa hindi ko namamalayan na ang dati kong pulang sumbrero ay unti unti nang nagiging dilaw.
Ano ba ang magic na mayroon si tita Cory. Palagay ko hindi habag ang nararamdaman ko sa kaniya kung bakit unti unting napalapit ang loob ko. Marahil ang isa sa unang dahilan ay ang pagiging matibay niya sa pakikipag laban, sa lahat ng uri ng laban. Sinaliksik ko maigi ang buhay ng Dating Pangulong Aquino. At habang nakikilla ko siya lalo akong humahanga sa kaniya. Marahil ang mga dati kong nalalaman patungkol kay Pangulong Aquino ay udyok ng Media na kumakalaban sa kaniya. At tuluyan na ngang naging dilaw ang kulay ng lahat ng channel ko sa internet. Sa kantunayan Ito ang kauna unahan kong Blog, at si tita Cory ang aking inspirasyon.
Hindi sa tinatalikuran ko ang pag hanga at pagkilala ko sa mga Marcos lalung-lalo na kay Apo Ferdinand na kamakailan lang ay dinalaw namin sa Ilocos, bagkus pa nga lalo ko silang dinakila nung araw na makita ko na nag bigay ng respeto sina Aimee at Bongbong, lalo pa ulit nung marinig ko ang Dating Unang Ginang Imelda Marcos na nagsalita ng pakikipagkaisa para sa mga Aquino. Sana lang hindi lang ito umpisa, bagkus magpatuloy at tularan ng iba pa nating mga leader na walang ginawa kundi ang mag away. Kung mayron man kayong hindi pagkakasundo alalahanin niyo lang na mas malalim ang mga sugat ng hidwaang Marcos at Aquino.
Tama nga si Mikee Cojuanco Jaworski sa sinabi niya: " Tita Cory has her way of uniting people!" Ang kamatayan niya kagaya ng kamatayan ni Ninoy ay may dalang malaking epekto sa kasaysayan natin.
Ito na rin ang dahilan kung bakit sa halip na magpahinga ako sa bahay sa araw ng bakasyon ay mas pinili kong pumunta at magpakitang suporta sa Pamilyang Aquino. Hindi nasayang ang pagod ko nung nakita ko na tuwang tuwa sila sa amin at nagpapasalamat sa aming ginawa. At isa sa pinakahahangaan kong pangyayari ng araw na iyon ay ang pag baba ni Noynoy sa van upang harapin at makipag usap sa mga tao. Nandun ako, naranasan ko kung gaano ka sikip ang kinalalagyan namin, umaambon, maputik ang kalsada, sari saring amoy at ingay ng mga tao ang nasa paligid. Bagay na para sa akin na ordinaryong tao ay mahirap matagalan. Sa kabila non nakihalubilo sa amin ni Noynoy bago siya bumalik sa Van at ihatid ang kaniyang Ina sa huling hantungan.
Isa itong araw na ito sa mga araw sa buhay ko na hindi ko malilimutan, lalung-lalo na nung makita ko,makatabi, makamayan at maka picture taking ang Dating Pangulong Fider Ramos V. Ramos. Punung-puno ng putik ang pantalon at sapatos ko pero umuwi akong masaya.
Yun nga lang minalas at dahil na rin sa katangahan ko, nadukutan ako. Kaya yung init ng saya ko sa pag uwi ay nabuhusan ng malamig na tubig nung oras na nalaman ko na bukas ang bag ko at wala na ang wallet ko. Maliit na halaga lang ang dala ko nuon, pambili ko sana ng memorabilia kung meron man, pero ang mas pinanghinayangan ko ay ang mahahalaga kong ID, at nakakalungkot na sa mga ganung pagkakataon ay may mga kababayan pa rin tayo na nangingibabaw ang kasamaan sa isipan..
Kaya ayun, kasabay ng pamamaalam ko kay tita Cory sa maikling panahon ng pagkakakilala ko sa kaniya ay namaalam din ako sa aking wallet.
Ngayong gabi, sinuma ko ang lahat ng pangyayari sakin sa nagdaang araw. Oo nalulungkot ako pero sa kabila nuon, hindi ako nanghihinyang dahil nasulyapan ko ang ataul ng Dating Pangulong Aquino. Pumanaw na si tita Cory pero ang aura ay naramdaman ko pa rin lalung-lalo na nung nakalapit ako ng husto sa kaniya. Kamalas malasan lang o tinadhana na rin ng pagkakataon dahil sa sobrang pagka mangha ko sa pag tanaw sa truck na kung saan naruon ang kaniyang labi, hindi ko napansin na ang hawak kong video cam ay hindi pala nag re record. Madalas mangyari sakin ang ganito. Minsan inaakala ko na nakakuha ako sa video ng isang bagay na sobrang importante, pagkatapos nun at panunoorin ko na, di ko na makita. Isa lang ang laging nasasabi ko sa sarili ko, "Ang Tanga ko talaga!"
Ganun pa man may mga magagandang shot din naman ako na nakunan yun nga lang hindi kasing lapit nung nakunan ko sana nung una.
Para sa mga interesadong makita ang video na ito, bisitahin niyo ang YouTube channel ko na "RomiBarcena". Duon ko ia-upload lahat. Maging ang pagsasalita ni Sen. Noynoy katabi si Mayor Alfredo Lim.
Parang naging napakahaba ng linggong ito sakin at halos maubos ang panahon ko kay Pangulong Aquino, pero gaya nga ng sinabi ko nung una, hindi ko ito pinanghihinayangan. Natuwa rin ako nng makita ko ang Twitter account ko sa GMA 7 sa isa sa mga coverage nila para sa pangulong Aquino, nakakatuwang isipin na may nagbabasa pala ng post ko at may nag a appreciate dito.
Anyway, Salamat Tita Cory sa mga bagay na ginawa at tinuro mo sa amin. Alam kong masaya ka na ngayon malaya ka na sa sakit at higit sa lahat kasama mo na si Sen. Ninoy Aquino.
Paalam tita Cory Aquino, hindi kita tita pero tita ka at ina ng bansa kaya proud ako na tawagin kang tita Cory.
Sana ang pangyayaring ito sa bayan natin ngayon ay magsilbing paalala ng tunay na diwa ng EDSA na ipinaglaban natin nuon. Wag nating sayangin.

2 comments:

  1. Natutuwa ako sa blog mo about your experience sa funeral processeion ni Pres. Cory Aquino bagamat ako ay solid Marcos noon kasang-ayon ang halos lahat ng Barcena sa Frisco na nabiyayaan ng break sa Barcena Cottage Industry noong 70's. Masakit sa akin ang pagkakaalis ni Marcos sa puwesto noon dahil ang alam ko ay nakay First Lady Imelda Marcos ang ating pag-asa na manatiling maunlad. Kaya noong wala na sila, Unti-unti na tayong humahalik sa lupa hanggang lupa na rin ang kinakain natin - wala na tayong maani. Si tiyo Modesto ang unang nagdesenyo ng malalaking parol na Capiz sa Roxas Boulevard noon - ngayon madami nang gumagawa nito. Naaalala ko rin na maraming bumabatikos ng mga parol na iyon dahil mapaka-impraktikal daw ang halaga (P1,500 yata?) Pero naging maganda sana ito pang-tourist attraction kasabay ng pagsikat ng Folk Arts Theater of the Philippines kung hindi sinira ng bagyo ang mga iyon.
    Ganunpaman, tungkol sa karanasan mo k tita Cory ng bayan, kami naman dito sa bahay kahit nagtitipid na sana sa kuryente ay hindi namin mapatay-patay ang TV kahit walang nanonood dahil sa pagsubaybay sa event na iyon. Kasi sa matagal na panahon na napag-uusapan na ang pabarito kong galung-gong, na bumaba at tumaas ang presyo, Kudeta, bulkan at iba pa, napansin kong di lang pala Barcena ang nakatira sa Pilipinas. Kay naman masarap makita ang pagpapakumbaba ng unang Ginang Imelda Marcos sa Pagpapahayag niya ng pakikiramay sa pamilyang Aquino sa pagpanaw ni tita Cory. Ano na ngayon? Ako, di man ganun ang pananalangin tungkol sa paggaling ni tita Cory; nanalangin din ako para sa pagginhawa ng kanyang kalagayan. Ngayon marahil, maginhawa na ang kanyang pakiramdam (sana nga kung tinanggap niya si Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas Roma 10:9-10). It6o na rin ang hamon ko sa lahat nang makakabasa nito, Nakalista na ba ang pangaln mo sa Aklat ng Buhay?

    ReplyDelete
  2. Oo nga yun na rin ang naging last request ko para kay Tita Cory ang kaginhawaan ng kaniyang pakiramdam.

    ReplyDelete